Dalawang domestic helpers ang tulala at nabaliw na kabilang sa 49 Overseas Filipino Workers na biktima ng pagmamaltrato sa Jordan at Kuwait ang dumating sa bansa kahapon ng hapon.
Personal na sinalubong ni Senator Manny Villar ang mga OFWs na kinilalang sina Joan Banglot, Rowena Marticio Ulay at Dullina Aradias Malali nang duma ting sa NAIA 1dakong alas-3 ng hapon sakay ng Etihad flight EY-428 mula sa Jordan. Sumunod namang dumating ang 46 OFWs lulan ng Kuwait flight KU-411.
Ayon kay Villar at ng Overseas Workers Welfare Administration, naapektuhan ang pag-iisip nina Malali at Ulay dahil sa sobrang kalupitang dinanas sa kamay ng kanilang mga employer sa Jordan.
Kinondena naman ni Claro Genio, Pangulo ng Philippine Association of Manpower Agencies for Jordan, ang mga recruitment agency na patuloy na ilegal na nagpapadala ng mga OFWs sa Jordan at Kuwait sanhi ng pagtaas ng pang-aabuso sa mga manggagawang Pinoy.
Sinabi ni Genio na katuwang ang kanilang grupo sa mga ahensya ng pamahalaan na sugpuin ang mga ilegal na pagpapadala ng mga OFWs sa nasabing bansa.
Hiniling nila sa pamahalaan na gumawa pa ng hakbang para maparusahan ang mga recruiter at airport personnels na kasabwat sa escort service bunga ng pagtaas ng kaso ng human trafficking sa bansa. (Ellen Fernando)