Sakit kumakalat na sa evacuation centers Cotabato
Nagsimula nang kumalat ang mga nakahahawang sakit sa mga evacuation center sa Pikit at Libungan,
Sa report na nakarating sa tanggapan ni NDCC Executive Director Glenn Rabonza, kabilang sa nasabing mga sakit ay lagnat na may kasamang ubo at sipon, Loose Bowel Movement (LBM), acute bronchitis, viral influenza, Urinary track Infection at infectious diarrhea.
Inihayag ni Rabonza na nanatili pa rin sa mga evacuation centers ang may 6,467 pamilya o kabuuang 32,335 katao na takot pa ring magbalik sa kanilang mga tahanan.
Umaabot sa 24,623 pamilya o kabuuang 164,973 katao na kinupkop sa 66 evacuation centers mula sa may 64 barangay at siyam na bayan ang nagsilikas sa takot na maipit sa bakbakan ng tropa ng militar at ng MILF rebels.
Sa kasalukuyan, ayon kay Rabonza ay kumikilos na ang mga health officials sa lugar upang maiwasan ang epidemya ng nasa bing mga karamdaman.
Samantala, lumobo na sa siyam katao ang death toll sa bakbakan ng mga sundalo at MILF.
Nakapagtala rin ang NDCC ng 22 kataong sugatan at kabuuang 113 bahay na sinunog ng grupo ni MILF 105th Base Commander Ameril Umbrah Kato.
Kabilang sa mga nasawi sina Army Pfc. Bacani; Cpl. Angelo Abeto; mga sibilyang sina Roquita Calesara, 62 , Lucio Pano, 83; Isidra Pano, 81; Dulcito Pano, 32; Tinoy Balisera, 78; Tapkia Said mula sa MILF at isang di nito nakilalang kasamahan na narekober ang bangkay matapos ang bakbakan.
Ang pamilya Pano ay ginawang human shield ng MILF rebels na di pa nakuntento ay binistay pa ng bala ang mag-anak. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending