Maraming bilang ng mga Pinoy ngayon ang nagtitipid o nagbawas sa konsumong pagkain dahil sa sobrang hirap ng buhay, kawalan ng matinong tra baho at pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Sa latest results ng Pulse Asia survey na isinagawa noong July 1-14, dalawa sa tatlong Pinoy o 66 porsiyento ng mamamayan sa buong bansa ang nagtapyas ng kanilang budget sa pagkain.
Sa datos ng National Statistics Office (NSO), naitala na mula noong Hulyo hanggang sa kasalukuyan ay ito na ang pinakamalaking pagtaas ng presyo ng bilihin sa loob ng 17 taon.
Mula 2.6 percent noong Hulyo 2007, pumalo na rin ang inflation rate sa 12.2 porsiyento ngayon, habang pumapalo naman sa 19 porsiyento ang itinaas nito simula noong buwan ng Hulyo 2008.
Ayon kay Pulse Asia Executive Dir. Dr. Ana Maria Tabunda, lumalabas din sa isinagawa nilang survey nitong Hulyo 2008 na bukod sa pagkain ay nagtipid din sa load, transportasyon, edukasyon, kuryente, tubig at pagpapagamot ang maraming bilang ng Pinoy. (Rose Tamayo-Tesoro)