Posibleng sumabit sa kasong graft ang mga opisyal ng ilang ahensiya ng gobyerno na dapat magpatupad sa Executive Order 156 na ipinalabas ni Pangulong Arroyo na nagbabawal sa pagpapasok sa bansa ng mga second hand na imported na sasakyan sa mga freeport zones.
Sa pagdinig kahapon ng Senate Committee on Ways and Means at Finance Committee kaug nay sa napabalitang car smuggling sa Port Irene sa loob ng Cagayan Export Zone Authority (CEZA), lumalabas na hindi naipapatupad ng Customs, Finance, BIR, DTI at DOTC ang kautusan ng Pangulo na pinagtibay pa ng Korte Suprema.
Umabot na umano sa 9,000 second-hand na sasakyan na karamihan ay nagmula sa Japan ang naipagbili sa port simula noong 2005.
Sinabi ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, chairman ng ways and means na maliwanag na may “intentional move” para hindi sundin ang batas.
Sinabi naman ni CEZA Administrator Jose Mari Ponce na ang mga imported na sasakyan ay inilalabas sa economic zone matapos dumaan sa CEZA, BoC, BIR at LTO.
Samantala, inisnab ni James Kocher, manugang ni Sen. Juan Ponce Enrile ang pagdinig ng Senado. Tumupad naman si Sen. Enrile na mag-iinhibit siya sa hearing.
Mistulang nabahag din ang buntot ng American Chamber of Commerce of the Philippines Inc. (AMCHAM) matapos itangging nagpalabas sila nang pahayag sa publiko katulad nang napaulat sa isang broadsheet na may nagaganap na car smuggling sa Port Irene. (Malou Escudero)