Itinalaga kahapon ni Pangulong Arroyo bilang bagong pinuno ng Philippine Navy (PN) ang nakababatang kapatid ng kanyang kritiko na si Parañaque Rep. Roilo Golez.
Hinirang bilang bagong Flag-Officer-in Command ng PN si Rear Admiral Ferdinand Golez, mula sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1976.
Sinabi ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, papalitan ni Golez si Vice Admiral Rogelio Calunsag na magreretiro sa Agosto 2.
Inaprubahan na rin ni Pangulong Arroyo ang ad interim appointment ng pitong 1-star generals habang ang 2 star-generals ay itinaas sa ranggong major generals.
Si Golez ang incumbent Chief ng Naval Education and Training Command.
Ayon kay Navy spokesman Lt. Col. Edgard Arevalo, nakatakda ang turnover ceremony sa susunod na linggo.
Si Golez ay magsisilbing Navy chief hanggang Mayo 16, 2010 sa pagsapit ng mandatory retirement age na 56. (Rudy Andal/Joy Cantos)