Takeover ng GSIS sa CTPL pinalagan ng transport
Nanawagan sa pamu nuan ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang iba’t ibang transport operators upang huwag isama ang mga pampasaherong sasakyan sa pag-takeover ng Government Service Insurance System (GSIS) sa compulsory third party liability (CTPL) insurance para sa mga sasakyan.
Sa kanilang sulat kay DOTC Secretary Leandro Mendoza, sinabi ng 10 lider ng samahan ng public utility bus, jeepney at taxi operators na sila ay hindi pabor sa naturang plano dahil magugulo lamang nito ang kasalukuyang maayos na sistema na ipinatutupad sa CTPL para sa mga pampasaherong sasakyan.
Anila, wala naman silang nararanasang problema sa kasaluyang sistema na “All Risk No Fault Coverage” na ipinatutupad sa CTPL sa mga pampasaherong sasakyan kaya walang dahilan para itakeover pa ito ng GSIS.
Sinabi ni Melencio Vargas, National President ng United Transport Koalisyon (1-UTAK), sa ilalim ng All Risk No Fault Coverage,” ang bawat beneficiary ay agad makakakuha ng P400,000 insurance benefit, bayad agad ang claims sa loob ng 5 araw, may 24-hour ready ambulance, P20,000 bail bond sa drivers.
Tutol sa GSIS takeover ng CTPL sina Zenaida Maranan ng FEJODAP; Homer Mercado ng PBOAP; Efren de Luna ng ACTO; Vargas ng ALTODAP; Obet Martin ng PASANG MASDA; Orlando Marquez ng MJOD; Eleanor Santos ng MMODA; Manuel Duran ng NTU; Ben Rubio ng KKPPI at Luring Naval ng ATOMM.
Nangangamba ang kanilang mga grupo na kapag nailipat ang pangangasiwa sa GSIS, baka bumagal ang pagkakaloob ng benepisyo sa mga naaaksidenteng sasakyan. (Butch Quejada/Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending