Hindi lamang si Pangulong Gloria Arroyo ang mahilig magbiyahe sa ibang bansa dahil maraming se nador din ang ilang beses nang lumabas ng Pilipinas kung saan nangunguna sa listahan sina Edgardo Angara, Miriam Defensor Santiago at Richard Gordon.
Sa loob ng 88 session days mula Hulyo 23, 2007 hanggang Hunyo 11, 2008, 20 beses lumabas ng bansa o nag-“official mission abroad” (OMA) si Angara, si Defensor na chairman ng Senate committee on foreign relations ay 15 na sinundan naman ni Gordon na 13.
Si Aquilino Pimentel ay 8 beses lumabas ng bansa, Mar Roxas at Rodolfo Biazon tig-5 beses, Juan Miguel Zubiri 4 na beses at Alan Peter Cayetano, 3 beses.
Sina Pia Cayetano, Jamby Madrigal, at Ramon Revilla Jr., ay tig-2 beses na bumiyahe, isang beses lamang nag-OMA sina Francis Escudero at Panfilo Lacson.
Ang mga senador na nag “official mission abroad” ay ang mga umalis ng Pilipinas habang may sesyon ang Senado.
Kung dati ay si Zubiri ang nangunguna lagi sa listahan ng mga laging late na senador tuwing may sesyon, naungusan ito ngayon ni Madrigal na nakapag-tala ng 24 late, Zubiri 22 at Biazon 21.
Kahit isang beses ay hindi naman na-late sina Lacson, Jinggoy Estrada at Manuel Villar. (Malou Escudero)