Ipinagtanggol ng Malacañang ang pagtatalaga ni Pangulong Arroyo sa dalawang commissioners ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, hindi maaaring kwestyunin ang appointment power ni Pangulong Arroyo sa pagtatalaga kina dating Court of Appeals Justice Lucenito Tagle at Malabon RTC Judge Leonardo Leonida.
Wika ni Sec. Ermita, umabot sa 70 ang nominado sa search committee para sa mga bakanteng posisyon sa Comelec at umabot naman sa 7 ang nasa short list nito.
Aniya, may sariling criteria na sinusunod ang Pangulo sa pagpili niya ng kanyang itatalaga sa anumang posisyon at hindi puwedeng kwestyunin ito ninuman.
Nilinaw pa ni Ermita, mayroong clearance si Tagle mula sa Supreme Court na nagpapatunay na wala itong pending na kaso sa Kataas-Taasang Hukuman.
Ipinaliwanag pa ng executive secretary na hindi ang pagiging kilala o popular ang batayan kundi ang kakayahan at integridad ng isang indibidwal.
Sa mga susunod na araw ay ihahayag na rin ni PGMA ang ikatlong magiging commissioner sa Comelec upang mapunan na ang nag-iisang bakante nito. (Rudy Andal)