Pinalakas pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kampanya laban sa mga hijackers at extortionist upang bigyang proteksyon ang seguridad ng pagkain na ibinibiyahe sa Metro Manila.
Sinabi ni NCRPO Chief Director Geary Barias na inatasan na niya ang limang District Directors at mga hepe ng pulisya para tiyakin na walang magiging sagabal sa pagbiyahe ng mga pagkain at hindi rin mabibiktima ang mga biyahero ng mga hijackers at ng mga extortionist.
Kahapon ay nakipagpulong si Barias sa mga lider ng Alliance of Concerned Truck Owners and Organization (ACTDO) kabilang na ang kinatawan ng mga biyahero ng gulay, meat at fish dealers, truckers at food haulers para palakasin pa ang kanilang kooperasyon upang ma bigyang solusyon ang problema.
Inihayag ni Barias na naglunsad ng panibagong hotlines ang NCRPO para sa mga food suppliers na maaring ipahatid ang kanilang mga reklamo laban sa mga nangongotong na mga tiwaling pulis sa mga biyahero.
Ang bagong NCRPO hotlines ay may numerong 0929-294-2222 at 0929-24-3333 kung saan sinumang pulis na masasangkot sa pangongotong sa mga biyahero ay kanilang papatawan ng kaparusahan. (Joy Cantos)