Pinapak ng mga isda!

Mistulang kinain ng piranha ang apat na bangkay ng MV Princess of the Stars na natag­puang wala ng mga ulo, ari at halos buto na la­mang ang natira matapos umanong papakin ng mga isda ng mapadpad sa Aroroy, Masbate.

Sa report ni Insp. Flutarco Margegia, hepe ng Aroroy Municipal Police Station (MPS), tatlo sa mga bangkay ay nakita sa Brgy. Sawang at ang wala ng aring bangkay ng lalaki ay natagpuan na­man sa bahagi ng kara­gatan ng Brgy. Matungod naturang bayan. 

Hindi na makilala ang mga bangkay at naaag­nas na kaya nagpasya ang mga opisyal doon na ilibing na dahil napaka­baho na at posibleng magdala pa ng sakit sa mga residente ng Aroroy.

Samantala, 10 pang bangkay ang narekober sa bahagi ng karagatan ng Sibuyan Island kung saan umaabot na ngayon sa 28 ang narekober sa lugar. 

Una rito ay 20 bang­kay ang inanod sa dala­wang magkahiwalay na isla ng Romblon nitong Huwebes ng umaga. Ito na ang pinakamaraming bilang ng mga patay na natagpuan sa probinsya sa loob ng isang araw. Paniwala ng ilang resi­dente, nagbago kasi ang ihip ng hangin kaya na­padpad dito ang mga bangkay.

Problema ngayon ng mga lokal na opisyal ang banta sa kalusugan na dulot ng mga nabubulok na bangkay. Ayon sa kanila, kung hindi ito makukuha agad ng Coast Guard at Sulpicio Lines, mapipilitan silang ilibing ang mga katawan.

Batay sa tala ay uma­abot pa lamang sa 56 ang mga nakaligtas mula sa naturang trahedya at daan-daan pa ang nawa­wala.

Lulan ng barko ang 826 pasahero at crew ng maganap ang sakuna.

Show comments