Walang taas sa presyo ng NFA rice
Pinabulaanan ng National Food Authority (NFA) ang report na tumaas ng P20.00 ang halaga ng bigas sa kasalukuyan.
Sa isang panayam, sinabi ni Director Rex Estoperez, information head ng NFA na walang pagtataas ng presyo ng bigas na nagaganap sa ngayon. Ipinakilala lamang anya ng NFA sa publiko ang tinatawag na high grade rice na nagkakahalaga ng P35.00 kada kilo.
Gayunman, nananatili pa rin ang NFA rice na naibebenta sa halagang P18.25 kada kilo at ang American rice na P25.00 kada kilo.
Sinabi rin ni Estoperez na sapat ang suplay ng bigas sa bansa dahil may imbak tayo na 850,000 metric tons ng bigas bukod pa ito sa 600,000 metric tons na imported rice.
Ang 600,000 metric tons ng bigas anya ay bahagi ng kabuuang 1.7 milyon metric tons ng bigas na inangkat ng Pilipinas mula sa iba’t ibang rice producing countries tulad ng Vietnam.
Nanawagan din si Estoperez sa publiko na kung may nalalaman sa kanilang lugar na may nagtaas ng presyo ng bigas, ipagbigay-alam sa kanyang tanggapan para maparusahan ang mga ito. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending