Kaso ng rapist na sundalong Kano pararatingin sa UN
Nagbabala kahapon ang isang grupo ng kababaihan na idudulog nila sa United Nations ang kaso ng sentensyadong rapist na sundalong Amerikano na si Lance Corporal Daniel Smith sa sandaling baligtarin ng Court of Appeals ang naunang desisyon ng Makati City Regional Trial Court.
Ayon kay Esperanza Santos, miyembro ng Subic rape task force, habang hinihintay nila ang desisyon ng CA ay lalo silang magbabantay dito at sa sandali umanong mapawalang sala si Smith, wala na umanong iba pang hakbang ang biktimang si Nicole kundi dumulog sa UN.
Ang pahayag ng grupo ay bunsod sa napaulat na babaligtarin ng CA ang naunang desisyon ng mababang korte.
Inaasahang ipapalabas ng CA ang desisyon ngayong buwang ito.
Nasentensiyahan si Smith ni Makati Judge Benjamin Pozon noong Disyembre 4, 2006 ng 40 taong pagkakakulong dahil sa panggagahasa sa isang Pilipina. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending