Nueva Ecija officials umapela sa Ombudsman
Nanawagan si Nueva Ecija Vice Gov. Edward Thomas Joson sa Office of the Ombudsman na aksiyunan ang mga kasong nakasampa laban sa kanilang gobernador upang matanggal ang agam-agam na kinakatigan ng mga halal na opisyal ang mga umano’y gawain nitong illegal.
Noong Lunes ay isa pang kaso ng katiwalian ang isinampa ni Joson laban kay Gov. Aurelio Umali kaugnay sa umano’y pagkikipagsabwatan nito sa mga pekeng NGO noong panahon na siya ay kongresista ng ikatlong distrito ng probinsya noong 2005. Bukod ito sa graft case na isinampa laban kay Umali patungkol naman sa kinukuwestiyong overpricing sa pagbili 92 unit ng multicab.
Isinangkot ang gobernador sa maanumalyang kontrata na binansagang “P15 million fertilizer scam,” at ayon kay Joson, kuwestiyunable umano ang pagkakahugot sa pondo rito mula sa “pork barrel” o priority development assistance fund (PDAF) ni Umali.
Nakipagkutsabahan umano si Umali sa Masaganang Ani para sa Magsasaka Foundation Inc. (MAMFI) para magpamudmod ng 7,920 bote ng liquified fertilizer na pinondohan ng P12 milyon.
Nakasaad sa kasunduan na binili ang bawat bote ng pa taba sa halagang P1,500 para sa mga magsasaka ng Gabaldon at General Natividad, subalit lumitaw sa pagsisiyasat na ang pataba ay P100/bote lamang. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending