Pinalawig ng mga opisyal ng United States ang tour of duty ng convicted rapist na si US Marine Lance Corporal Daniel Smith habang nakabimbin ang isa niyang mosyon sa Court of Appeals.
Ito ang inihayag kahapon ni Department of Interior and Local Government Undersecretary for Public Safety Marius Corpus nang muli niyang bisitahin at tingnan ang kalagayan ni Smith sa kulungan nito sa US Embassy sa Roxas Boulevard, Manila
Ayon kay Corpus, magtatapos na sana ang two-year tour of duty ni Smith ngayong Hunyo subalit pinalawig muna ng US Government habang ang usapin ay pinag-aaralan ng Court of Appeals.
Sinabi nitong si Smith ay nag uubos ng panahon sa pagluluto ng paborito nitong pagkain habang binabantayan ng dalawang Marines at nagsabi na planong mag-aral ng culinary arts sa darating na panahon.
Si Smith ay nasentensyahang makulong nang 40 taon dahil sa panggagahasa sa isang Pilipina sa Subic, Zambales. (Angie dela Cruz)