Isa na namang Pinoy ang hinatulan ng parusang bitay sa Kuwait dahil sa pagpatay niya sa nililigawan niyang isang Pilipinang barista noong Oktubre ng nakalipas na taon, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang hinatulang Pinoy na si Bienvenido Espino Jr., isang contract worker sa nasabing bansa.
Batay sa report ni Philippine Ambassador to Kuwait Ricardo Endaya, si Espino ay hinatulan ng kamatayan ng Kuwait’s Court of First Instance sa kasong pagpatay sa biktimang si Jhias Gumapac.
Pinagsasaksak ng 33 beses ni Espino si Gumapac dahil sa laptop na ibinigay nito bilang collateral sa perang inutang na labis na ikinagalit ng naturang nairita nitong manliligaw.
Si Espino ay kasalukuyang nakakulong sa Kuwait Central Jail matapos nitong mapatay si Gumapac noong Oktubre 30, 2007 malapit sa isang bakera sa Salmiyah doon. (Joy Cantos)