Simula sa Hulyo 1, 2008, ikukonsidera na ng United Arab Emirates (UAE) ang hepatitis C na isang “deportable disease” bilang karagdagan sa kasalukuyang listahan nila na kinabibilangan ng HIV, TB at hepatitis B.
Sa advisory ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa kanilang website, lahat ng expatriates na mapapatunayang positibo sa nasabing sakit ay inaasahang ipade-deport ng pamahalaan ng UAE.
“The new test applies to all expatriates applying for residency and labor visas, including renewal. Anyone who tests positive for hepatitis C virus (HCV) will be deported,” nakasaad sa POEA advisory.
Ang hepatitis C na isang “chronic blood-borne infection” ay naisasalin sa iba sa pamamagitan ng dugo o anumang blood products at pangunahin rin itong sanhi ng cirrhosis, liver cancer at liver failure. (Doris Franche)