Napocor kinasuhan
Dahilan sa umano’y pagmamanipula sa halaga ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), sinampahan ng kasong kriminal ng grupong People Opposed to Warrantless Electricity Rates (POWER) ang National Power Corporation (Napocor).
Batay sa reklamong inihain sa tanggapan ng Ombudsman, inakusahan ng grupo ang pangulo ng Napocor na si Cyril del Callar ng pang-aabuso sa kapangyarihan nang tatlo sa mga planta ng NPC ay magbenta ng kuryente sa mas mataas na halaga.
Diumano ay gumagawa ng paraan ang Napocor upang palabasin na mayroong kakulangan sa suplay ng kuryente na siyang dahilan ng pagtataas sa halaga nito upang ipantustos sa standard cost.
Kinuwestyon din ang pagbawi ng Napocor sa P9 bilyon na generation charge sa mga transaksyon mula buwan ng Agosto hanggang Nobyembre noong 2006.
“There have been credible findings by government authorities that there was price manipulation during the period of August to November 2006. The trading strategies employed by the NPC plants appeared to have stemmed from a memorandum from del Callar asking his subordinates to recover losses incurred by NPC during the first two months of trading at the WESM,” ayon kay Engr. Ramon Ramirez ng grupong POWER.
Kabilang pa sa complainant sa kaso ang mga grupong AGHAM, Gabriela at Bagong Alyansang Makabayan o Bayan.
- Latest
- Trending