Nainis kagabi si Pangulong Arroyo sa mga opisyal ng Department of Justice (DOJ) dahilan sa umano’y kabagalan ng mga ito sa pagsasampa ng kaso sa mga naarestong rice hoarders.
Sinermunan ng Pangulo si National Bureau of Investigation (NBI) anti-rice hoarding head Atty. Ricardo Diaz dahilan sa pagko-concentrate nito sa pag-iinspeksyon sa mga rice miller sa halip na sa mga traders lamang.
Kinuwestiyon din nito si Senior State Prosecutor Roberto Lao kung bakit hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakasuhan ang mga naarestong rice traders noong nakaraang linggo.
Dahil dito kaya ipinilit ng Pangulo sa DOJ na kaagad isampa ang kaso sa mga rice hoarders sa Mayo 2 at inatasan na kaagad na magbigay ng feedback sa kanya sakaling maisampa na ang mga kaso.
Siniguro din ng Pangulo na babalik siya sa Mayo 9 upang personal na alamin kung ano ang development ng kaso.
Samantala, siniguro naman ni Pangulong Arroyo na mananatili sa puwesto si Gonzalez tulad ni Defense Secretary Gilbert Teodoro. (Gemma Amargo-Garcia)