Sinampahan ng patung-patong na kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman ang Gobernador at asawa nitong Congresswoman dahil sa iba’t ibang katiwalian parti kular na sa pagbili ng “overpriced” na multicabs.
Sa isang pulong-balitaan sa Quezon City, nabatid na kinasuhan ni Nueva Vice-Gov. Edward Thomas Joson si Gov. Aurelio Umali, misis nitong si 3rd District Rep. Czarina Umali, consultant Atty. Ferdinand Abesamis, Administrator Atty. Alejandro Abesamis at Edilberto Pancho, provincial treasurer.
Kabilang sa tatlong kaso ang pagbili ng 93 unit ng multi-cabs ng Nueva Ecija provincial government na nagkakahalaga ng P16.38 milyon.
Iginiit ni Joson na lubhang “overpriced” ito dahil sa papatak na P176,000 ang bawat unit na dapat ay nagkakahalaga lamang ng P135,000 kasama na ang rehistro sa Land Transportation Office.
Kasama rin dito si Rep. Umali na nagbigay umano ng P5 milyon sa kanyang “pork barrel” para pambili ng naturang multicabs.
Inireklamo rin ni Joson ang pagkuha sa serbisyo ng isang Edgardo Rillon bilang “provincial information officer” sa kabila na tinanggihan ng Civil Service Commission ang appointment nito.
Ikatlong kaso ang pagkuha sa serbisyo ni Atty. Abesamis bilang consultant ng Nueva Ecija na paglabag umano sa Local Government Code dahil una na itong nadismis sa serbisyo noong panahon ni Pangulong Estrada. (Danilo Garcia)