Plantsado na ang mga aktibidad para sa selebrasyon ng Earth day bukas, Abril 22.
Kabilang sa mga aktibidad na ito ay ang libreng vehicle emission testing at libreng medical check up.
Ayon kay Environmental Management Bureau dir. Julian Amador ng DENR, layunin ng selebrasyon na maitaas ang kamalayan ng publiko sa lumalalang problema sa polusyon sa hangin.
Sinabi pa ni Amador na hindi gawang biro ang negatibong epekto sa kalusugan ng mga bata at matatanda ng polusyon sa hangin.
Kabilang din ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan sa nalalagay sa balag ng alanganin ang kalusugan dahil sa maghapong pamamasada at paglanghap ng maiitim na usok mula sa mga sasakyan.
Ayon kay Amador, pinahihina ng maruming hangin hindi lamang ang baga kundi ang immune system.
Kaugnay nito, hiniling din ni Amador sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan na palakasin ang mga polisiya at hakbangin sa pagtataguyod ng tamang maintenance ng mga sasakyan para sa pang-matagalang solusyon sa problema ng polusyon sa hangin mula sa sektor ng transportasyon. (Angie dela Cruz)