Mismong si dating Pangulong Joseph Estrada na umano ang gumagawa ng paraan para masiguradong kukuning kandidato bilang bise-presidente ng bansa ng sinumang nagnanais tumakbo sa ilalim ng oposisyon sa 2010 si Sen. Jose “Jinggoy” Estrada.
Ayon sa isang source na tumangging magpabanggit ng pangalan, gagawing “leverage” lamang ni Estrada ang pagporma na muli siyang tatakbong presidente sa 2010 upang mapilitan ang nagnanais tumakbo sa ilalim ng oposisyon katulad ni Senate president Manuel Villar na kunin si Jinggoy bilang running mate.
“Kunwari lang tatakbo siyang (Erap) presi dente, pero uurong yan sa kondisyon na kukuning running mate ng sinumang gustong kumandidato si Jinggoy,” anang source.
Bagaman at kilalang taga-suporta ng oposisyon, sinabi ng source na hindi na dapat tumakbong muli si Estrada at ipagkatiwala na lamang niya ang pagtakbo bilang presidente sa mas bata sa kanya.
Naniniwala ang source, na may ibang agenda ang pagsusulong sa muling pagtakbo ni Estrada sa 2010 at ito ay upang mapilitan lamang ang mga nais maging presidential candidate na kunin si Jinggoy.
Lalong lumakas ang ugong na muling kakandidato si Estrada bilang presidente matapos magkaroon ng pangangalap ng 6 milyong pirma ang Partido ng Masang Pilipino (PMP).
Nauna nang umugong ang balita na posibleng maging running mate si Jinggoy ng sinumang nagnanais tumakbong presidente sa ilalim ng oposisyon.
Pero naniniwala rin ang source na posibleng mahati na naman ang oposisyon sa 2010 dahil sa dami ng gustong kumandidatong presidente katulad nina Villar, Sen. Panfilo Lacson, Loren Legarda at Mar Roxas.