2 Immigration agent pinaiimbestigahan ni Noli

Inutos ni Vice Pres. Noli de Castro na imbestigahan ang dalawang immigration agent na umano’y sangkot sa sindikato ng illegal recruitment ng isang Tsinoy na magkasunod na dinakip ng Crimininal Investigation and Detection Group at National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagpapadala ng mga daan-daang Pinoy “tourist workers” sa Singapore. 

Tinukoy ni de Castro ang mga opisyal na sina Rolly Bertusio at Vic Ferrer na nasa likod umano ng operasyon para makalusot sa Ninoy Aquino International Airport ang mga OFW na nagpapanggap na turista.

Base sa modus operandi, pinapipila umano nina Bertusio at Ferrer ang mga OFWs sa isang lane sa departure area ng NAIA Terminal 1 at Centennial Terminal 2 at doon ay walang tanong-tanong na tinatatakan ang kanilang pasaporte. 

Kamakalawa ay iprinisinta kay PNP chief Director General Avelino Razon, Jr. at VP Noli de Castro ang 5 OFWs na nanggaling na sa Singapore at itinuro ang 17 suspect sa pangunguna ni Luciano “Sonny” Lim, isang Fil-Chinese na nagmamay-ari ng Excellent Travel Agency na siyang lumoko sa kanila.

Bukod sa nasabing mga biktima, nauna na ring naghain ng kaso ang mga biktimang sina Marivel Dacallos at Basilia Gamotea pawang ng Moncada, Tarlac makaraang maltratuhin ng kanilang among Singaporean. (Ellen Fernando)

Show comments