Perez, misis kinasuhan na
Pormal nang kinasuhan ng Ombudsman ng graft charges sa Sandiganbayan si dating Justice Secretary Hernando “Nani” Perez kaugnay sa umano’y pangingikil ng may $2 milyon mula kay dating Manila Congressman Mark Jimenez.
Kasama ni Perez sa mga kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 3019 o anti graft and corrupt practices act ang asawang si Rosario, business associates na sina Ernest Escaler at Ramon Antonio Arceo Jr.
Ang mag-asawang Perez ay kinasuhan di ng pamemeke ng dokumento ng gobyerno para sa non-disclosure ng $1.7 million sa deposits sa dalawang EFG Private Bank AG accounts.
Pinayagan naman si Perez na makapagpiyansa ng P178,000 para sa pansamantalang ka layaan nito at P130,000 para sa tatlong akusado.
Samantala, nagpasaklolo na kahapon sa Korte Suprema si Perez upang pigilan ang pagdinig sa mga kasong isinampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan laban sa kanilang mag-asawa.
Sa 65 pahinang petition, iginiit nito na nilabag ng Ombudsman ang kanyang karapatan para sa substantial at procedural due process nang aksiyunan ang kasong natutulog na ng mahabang panahon sa naturang tanggapan.
Iginiit pa ni Perez na matagal na niyang hinihiling sa Ombudsman na desisyunan na ang kaso, subalit nagtagal pa rin ito ng halos limang taon bago nakapagpalabas ng resulusyon.
Maliwanag din umano na naging biktima lamang siya ng paglalaro ng “pulitika” ng kasalukuyang Ombudsman, dahil nauna na umano nitong inihayag na “patay na ang kaso” ng bawiin ni Jimenez ang reklamo.
Umabuso din umano ang Ombudsman dahil sa pagtanggap ng mga ebidensiyang hindi pinapayagan ng batas tulad ng mga hearsay o sabi-sabi.
Hiniling din ni Perez na magpalabas ang SC ng Temporary Restraining Order na pansamantalang pipigil sa pag-usad ng kaso. (Angie dela Cruz/Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending