Wala pang balak ang Senado na imbestigahan si Sen. Gregorio Honasan matapos kumpirmahin ng puganteng si dating Capt. Nicanor Faeldon na kasama nila ang senador sa nagplanong pabagsakin ang administrasyong Arroyo.
Sinabi ni Sen. Rodolfo Biazon, chairman ng Defense Committee na hindi niya isusulong ang isang imbestigasyon dahil lamang sa statement ni Faeldon na hanggang ngayon ay pinaghahanap ng batas.
Pabor si Biazon na ipaubaya na lamang muna sa executive department ang imbestigasyon laban kay Honasan na maaaring isagawa ng ISAFP, NBI at PNP.
Kahit na aniya magsumite pa ng affidavit si Faeldon, hindi pa rin ito sapat at kailangan munang i-cross examine ang magbibigay ng affidavit.
Samantala, itinanggi kahapon ng kampo ni Honasan na may kinalaman ito sa Oakwood mutiny gaya nang nais palabasin ni Faeldon sa isang panayam sa media.
Sinabi ni Atty JG Gan, spokesman for legal affairs ni Honasan, ang korte at Department of Justice na ang nagsabi na walang kinalaman si Honasan sa Oakwood mutiny kaya nga nabasura ang kaso niyang kudeta noon pa man.
Si Honasan ay kasalukuyang nasa South Africa dahil kasapi siya ng Senate delegation sa kumperensya ng inter-parliamentary union.
No comment naman din daw sila sa mga pinagsasabi ng nagpakilalang Capt. Faeldon dahil magiging espekulasyon lang ang lahat ng ito lalo’t itinanggi na ng abogada at mga kamag-anak ni Faeldon na ang puganteng sundalo ang nagsalita sa media. (Malou Escudero)