Riot dahil sa bigas di mangyayari sa Pinas
Naniniwala si Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso na hindi magaganap sa Pilipinas ang pagkakaroon ng riot dahil sa pagkain tulad nang nagaganap sa ibang bansa, dahil mayroon naman umanong suplay ng pagkain ang bansa.
Bagamat paminsa-minsan aniya ay nagkakaroon ng kakulangan sa ibang uri ng pagkain, tulad ng bigas sa kasalukuyan, ay madali umanong nakakapag-adjust ang mga Pinoy at humahanap ng ibang alternatibo kaya hindi nagkakaroon ng riot dahil sa kawalan ng pagkain.
Pahayag pa ng Obispo, nasa “nature” na umano ng mga Pinoy ang paggawa ng paraan upang maresolba ang isang emergency dahil sa pagiging matiisin ng mga ito.
Sinang-ayunan naman ni Fr. Anton Pascual, executive director ng Caritas Manila at pangulo ng Radio Veritas, ang pahayag ni Medroso hinggil sa pagkakaroon ng riot sa pagkain.
Ayon kay Pascual, bagamat mayroong krisis sa pagkain sa buong mundo, naniniwala naman umano siya na hindi magaganap sa Pilipinas ang nagaganap sa ibang bansa na nagra-riot at nagiging bayolente ang mga tao dahil sa kawalan ng makain.
Paliwanag ni Pascual, nasa kultura ng mga Pinoy ang pagiging masayahin at peace-loving kaya pinagtatawanan lamang ng mga ito ang problema.
Bukod pa dito, marami rin naman aniya kasing substitute ang mga Pinoy sa bigas lalo na sa mga kanayunan tulad ng mais, kamote at iba pang mga halamang-ugat at madali rin umanong mag-adopt ang mga Pinoy sa mga problema kaya hindi aniya sila ganoon kadaling magkaroon ng negatibong reaksyon. (Doris Franche)
- Latest
- Trending