Publicity lang umano ang habol ngayon ni NBN-ZTE deal star witness Rodolfo “Jun” Lozada Jr., dahil laos na umano ito.
Ito ang parunggit kahapon ng abogado ni First Gentleman Mike Arroyo na si Rudy Rondain bilang reaksyon sa akusasyon umano ni Lozada na nagbabanta umano sa buhay nito ang Unang Ginoo.
Idiniin ni Rondain na hindi tinatakot at hindi kailanman tatakutin ni Ginoong Arroyo si Lozada sapagkat walang dahilan at walang kinalaman ang First Gentleman sa mga walang ebidensiyang alegasyon sa NBN laban sa kung sinu-sinong tao.
“Malinaw na dahil sa mabilis na siyang nalalaos, gumagawa na naman ng bagong kasinungalingan si Ginoong Lozada para lamang patuloy siyang mapag-usapan sa media. Hinahamon namin siya na maglabas agad ng ebidensiya ng umano’y pagbabanta sa kanya ni Ginoong Arroyo,” sabi ni Rondain.
Sa halip na patuloy na pagsisinungaling, sinabi ni Rondain na ang dapat gawin ni Lozada ay ipaliwanag na mabuti ang mga inamin niyang kaduda-dudang gawain niya noong siya ay pangulo ng Philippine Forest Corporation.
Kaugnay nito, hindi pa rin sisiputin ni Lozada ang imbitasyon ng DOJ na maging resource person ito sa fact-finding investigation na isinasagawa ng kagawaran.
Iginiit ni Lozada, hindi pa rin siya kumbinsido na magreresulta sa isang patas na rekomendasyon ang nasabing inquiry ng DOJ.
Bagamat wala siyang anumang masamang saloobin laban sa mga miyembro ng nabanggit na panel, hindi naman niya maaring makalimutan ang mga naging pahayag noon ni dating Justice Secretary Raul Gonzalez na puro drama lang umano ang mga testimonya niya sa Senado. (Butch Quejada/Gemma Amargo-Garcia)