Mistulang ukay-ukay na ang suplay ng manok at itlog sa bansa dahil higit na marami ang suplay nga yon kumpara noong nakalipas na taon.
Sa pahayag ni Gregorio San Diego Jr., pangulo ng United Broiler Raisers Association (UBRA) at Philippine Eggboard, 58 percent na dagdag na paglago ang inaasahan nila ngayong taon mula sa 21 percent nitong 2007 sa produksyon ng itlog, habang 2% paglago naman sa taong ito para sa suplay ng manok.
Ayon kay San Diego, bunsod na rin ito ng pagdaragdag ng mga breeder ng tinatawag na day-old chicks o mga sisiw na palalakihin at paiitlugin bilang pagtalima naman sa paghimok ng Dept. of Agriculture na tiyaking mananatili ang matatag na suplay.
Gayunman, pinangangambahan lamang ni San Diego na kapag nagpatuloy ang ganitong labis-labis na produksyon sa sektor ng magmamanok, posibleng tumigil aniya sa ganitong negosyo ang ilan nilang mga kasamahan dahil hihina ang kita at posibleng magkabagsakan pa ng presyo.
Umaasa na lamang si San Diego na magkaroon ng shifting o pagpapalit ng binibili ng mamimili mula sa baboy na inaasahang tumaas ang presyo dahil sa hindi normal na produksyon o dami patungo sa manok na hindi pa aniya nila nakikitang nangyayari sa ngayon. (Angie dela Cruz)