PNPA Alumni ad bubusisiin ng DILG
Binuo na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang investigating panel na siyang hahalukay sa mga utak at nagpondo sa lumabas na advertisement sa isang pahayagan ukol sa sentimiyento ng mga alumni ng Philippine National Police Academy (PNPA).
Sinabi ni DILG Undersecretary Atty. Marius Corpus na siya ang mangunguna bilang chairman ng naturang panel habang vice-chairman si Asst. Secretary for Interior Danilo Valerio.
Nakatakdang umpisahan ang pagpapa-subpoena kay Philippine Public Safety College Vice-President ret. General Roger Asignado upang ipaliwanag kung bakit nito ipinalabas sa diyaryo ang kontrobersyal na advertisement na naglalabas ng hinaing umano ng mga alumni ng PNPA ukol sa pagpabor sa promosyon sa mga graduate ng Philippine Military Academy.
Matatandaan na una nang umamin kay Secretary Ronaldo Puno si Asignado na isa sa nasa likod ng advertisement na siyang hinaing umano ng marami sa kanilang mga alumni ng PNPA. Hahalukayin rin ng panel kung sino pa ang mga kasama ni Asignado at ang nagpondo nito.
Sinabi ni Corpus na kung sakaling nangyayari nga ang diskriminasyon sa PNPA graduates kumpara sa PMAers, hindi pa rin umano tama na ilabas ito sa diyaryo dahil sa nagtatrabaho pa rin siya sa gobyerno kung saan dapat sa DILG muna ipinarating ang hinaing upang maaksyunan.
Sa 28 taon ng pananatili ng PNPA, dalawang alumni pa lamang ang nakakaabot sa ranggong heneral sa PNP sa katauhan nina ret. Director Pedro Bulaong at PNPA Administrator Chief Supt. Danilo Abarsoza.
Mas marami naman umano ang pinapalad na makaabot sa ranggong heneral sa mga PNPA alumni sa Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection kabilang na si Asignado na nagretiro sa ranggong Director o isang “two star general”.
- Latest
- Trending