Inaasahang magkakaroon pa ng mga kasunod ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa mga susunod na linggo dahil sa walang humpay na pagtaas ng halaga nito sa pandaigdigang pamilihan na ngayon ay umaabot na sa $103 kada bariles.
Sinabi ni Energy Secretary Angelo Reyes, umaabot na sa P2 kada litro ang itinaas sa presyo ng diesel, gasoline at kerosene ngayong buwan pa lang ng Marso, ang pinakahuli ay noong Sabado de Gloria.
Masusundan pa umano ito ng ikalimang pagtaas sa halagang 50 sentimos kada litro ngayong pagsapit ng weekend.
Sa kabila nito, sinabi ni Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairman na imposible muna ang hinihinging gawing P8 ang minimum na pasahe ng mga pampasaherong dyip subalit pag-aaralan din nilang maigi ang iba pang paraan para hindi masyadong mahirapan ang mga drayber.
Dahil dito, nagpaabot na ng pagkabahala ang United Patriotic Transport Organization of the Philippines (UPTOP) at nanawagan na ito sa Senado na pagtuunan nang pansin ang kapakanan ng transport sektor at hindi lamang sa mga imbestigasyon gaya ng maanomalyang ZTE-NBN deal.
“Hanapan nila ng paraan kung paano pa kami makaka-discount sa krudo para hindi kami mapilitang magtaas ng pamasahe,” sabi ni Vic Dimaano, national chairman ng UPTOP. (Edwin Balasa)