“Out” na ang semi-kalbong gupit na ala-Demi Moore sa mga babaeng kadete ng Philippine Military Academy (PMA).
Sinabi ni PMA Chief Superintendent Major Gen. Leopoldo Maligalig na ang Demi Moore cut ay pang-tomboy kaya pahihintulutan na nilang magpahaba ng buhok ang mga babaeng kadete.
“Kaya nga babae. They are supposed to look like women. Our only request is that they groom their hair well,” paliwanag pa ni Maligalig.
Ayon kay Maligalig, may sariling mga hairdresser ang mga babaeng kadete at hindi porke’t nag-aaral ang mga ito sa institusyon ng militar ay dapat ng sikilin ang kanilang mga karapatan na kumilos bilang isang tunay na babae.
Sa tala noong 2002 ay pinahintulutan ng akademya ang mga babaeng kadete na dumalo sa ballroom dancing at mag-asiste sa mga bisita na bahagi ng pagsasanay sa mga ito.
Mahigit isang dekada rin nauso ang semi-kalbo hairdo sa mga babaeng kadete. Magugunita na noong 1994 ay nagsimula ang PMA na tumanggap ng mga estudyanteng babae.
Sa kabuuang 220 magsisipagtapos sa Baghawi Class sa Marso 18 ay 23 rito ang babae. (Joy Cantos)