Dahil sa impluwensyang dulot ng usung-uso ngayon na “anime” sa mga bata, gagamitin ito ng Dangerous Drugs Board (DDB) bilang “campaign material” sa paglaban sa iligal na droga katuwang ang Department of Education.
Ipapakalat ng DDB at DepEd ang mga “anime komiks” sa lahat ng paaralan partikular sa mga elementarya upang maagang mamulat ang mga batang nasa edad 6-12 anyos sa panganib na dulot ng iligal na droga sa ilalim ng programang “Batang Iwas Droga (BIDA)”.
Sa isang memorandum, nagkasundo sina DDB Chairman Sec. Anselmo Avenido, Pagcor Chairman Efraim Genuino, DepEd Secretary Jesli Lapuz at BIDA Foundation Corporate Sec. Josephine Evangelista para sa naturang programa.
Ang DDB ang magiging “consulting body” para sa paglikha ng aksyon at mga plano para sa programa habang tutustusan naman ang programa ng PAGCOR. Ang DepED naman ang bahala sa pagpapakalat nito sa lahat ng paaralan sa buong bansa habang ang BIDA ang mangunguna sa kampanya.
Sa serye ng ipapalabas na komiks, limang estudyante ang mabibiyayaan ng kapangyarihan upang maging superheroes at lalaban sa mga “monster drug lords” na “public enemy number 1”. Pagtutuunan ng pansin ang kapabilidad ng mga kabataan na sa kahit murang edad ay kaya nang lumaban sa iligal na droga. (Danilo Garcia)