Kidnapping, attempted murder isinampa ni Lozada

Sinampahan ng ka­song kidnapping with attempted murder sa Department of Justice (DOJ) ng kontro­bersyal na ZTE star-witness na si Jun Lozada ang mga opisyal ng pamaha­laan kabilang dito sina  Environment and Natural Resources Secretary Lito Atienza at Philippine National Police (PNP) Chief Director General Avelino Razon Jr.

Kinasuhan din ni Lo­zada sina Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Chief Security Angel Atu­tubo; Police Security Police Office (PSPO) chief C/Supt. Romeo Hilomen, SP04 Rodolfo Vale­roso, PSPO assistant director Col. Paul Mas­carinas at mga John Does.

Ayon sa abugado ni Lozada na si Atty. Theo­dore Te, pinagba­sehan nila ang nang­yari noong Peb­rero 5, 2008 nang duma­ting sa NAIA si Lozada mula sa Hong Kong ay dinala ito ng mga opis­yal ng labag sa kan­yang loob.

Idinagdag pa ni Te na isa sa matibay nilang ebi­densiya ay ang na­kita nila sa security camera ng NAIA na su­misenyas si Atu­tubo na animo’y nag-uutos na gilitan ng leeg si Lozada kaya kina­suhan din ang mga ito ng attempted murder.

Dagdag pa umano nilang ebidensiya ang passport ni Lozada na walang pirma at arrival stamp mula sa immigration ng dumating na ito sa bansa kaya ma­aari uma­nong palitawin ng gob­yerno na hindi ito dumating sa bansa sa­kaling tuluyan itong ma­wala.

“We welcome the filing of charges by Jun Lozada. This is an opportunity to air our side and clean matters,” sabi naman ni PNP Spokesman Sr. Supt. Ni­canor Bartolome na kumpi­yansang malilinis ang pa­ngalan ng PNP sa nasa­bing kaso.

Samantala, inisnab naman kahapon ni Lo­zada ang ginawang pagdinig ng DOJ sa $329-million National Broadband Network (NBN) deal dahilan sa umano’y maaaring mag­karoon ng “whitewash” kasabay ng pagku­westyon sa abilidad ng DOJ sa pagkuwes­ tiyon sa nasa­bing usapin.

Kaugnay nito, hiniling kahapon sa Court of Appeals (CA) ni Lozada na maging “hostile witness” sina CHED Chairman Ro­mulo Neri at dating Comelec Chairman Benjamin Abalos para sa ini­hain nitong petition of Writ of Amparo. 

Sina Neri at Abalos lamang umano ang siyang makakapagpaliwanag kung ano talaga ang kanilang alam sa umano’y abduction kay Lozada sa NAIA noong dumating ito mula sa HK. (May ulat ni Joy Cantos)

Show comments