Matapos ang pagkamatay ng walong inosenteng sibilyan na diumano’y naipit sa bakbakan ng tropa ng pamahalaan at ng mga bandidong Abu Sayyaf, sinuspinde kahapon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ang mahigit 50 sundalo sa lalawigan ng Sulu.
Si Teodoro ay personal na bumisita kahapon sa Sulu upang ipaabot ang pakikiramay ng pamahalaan at pagtulong sa mga pamilya ng mga sibilyang nasawi sa insidente.
Kasabay nito, hinamon naman ni Teodoro ang Commission on Human Rights (CHR) na maglabas ng ebidensya sa paratang nitong minasaker diumano ng mga sundalo ang nasawing mga sibilyan base umano sa pahayag ng ilang mga testigo sa lugar.
Sinabi ni Teodoro na isang paglabag sa karapatan ng mga sundalo kung hindi mapatunayan ng CHR ang kanilang inilabas na imbestigasyon na massacre nga ang nangyari sa naturang lugar taliwas sa bersyon ng militar na isa itong lehitimong engkuwentro.
“First and foremost we have to get to the bottom of what really happened in the incident, we really have to establish that because there are deaths on both sides,” pahayag ng Kalihim.
Nitong Lunes ay da lawang sundalo ang nasawi at tatlo naman sa panig ng Abu Sayyaf, walo rin sa tropa ng pamahalaan ang nasugatan at tatlo naman sa panig ng mga kalaban subali’t matapos ang engkuwentro ay walong bangkay ng mga sibilyan kabilang ang tatlong bata ang narekober sa Brgy. Ipil, Maimbung, Sulu.
Binigyan ng ultimatum ni Teodoro si AFP-Westmincom Commander Major Gen. Nelson Allaga na tapusin ang imbestigasyon sa loob ng dalawang linggo at tiniyak rin na walang magaganap na whitewash.