Isinusulong ngayon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa Senado ang isang panukalang batas na naglalayong ibagbawal ang pagbebenta at pagbili ng mga dissertations, theses, term papers, essays, reports at iba pang kahalintulad na projects ng mga estudyante lalo na sa kolehiyo.
Sa kanyang Senate Bill 2053 o “Academic Honesty Act of 2008”, sinabi ni Santiago na mahalaga ang “academic achievement” sa pagkuha ng trabaho, promosyon at mas mataas na sahod kaya dapat itong pinaghihirapan ng mga estudyante.
“Academic achievement is very important in obtaining employment, a promotion or higher com pensation in employment, or admission to a prestigious institution,” sabi ni Santiago.
Hindi aniya dapat nagbabayad ang mga estudyante para may ibang taong gumawa ng kanilang mga project.
Napuna ni Santiago na napakaraming estudyante sa kolehiyo ang nagiging tamad dahil marami nang nagbebenta ng mga gawang theses, reports, essays, at maging term papers.
Kapag naging batas, ang mapapatunayang lumabag ay papatawan ng parusang “arresto menor” at multang hindi lalampas sa P10,000 o pareho. (Malou Escudero)