Kasunod ng kontrobersyal na pahayag ni outgoing Civil Service Chief Karina David na maraming presidential appointees ang “walang silbi” sa posisyong hinahawakan at dapat sibakin, nanawagan kahapon kay Presidente Arroyo ang isang labor group na sibakin sa puwesto bilang chairman ng Philippine Mining Corporation si dating senador Heherson Alvarez.
Sinabi ni Eleuterio Tuazon, GO Labor president, tumindi ang clamor sa PMDC na sibakin si Alvarez matapos aminin ng isang kaalyado nito sa PMDC board, si Christopher Carrion, na sinubukan niyang linlangin si Pangulong Arroyo sa pagsasabing na-appoint na ng PMDC board si Alvarez bilang chief executive officer (CEO) kahit ito’y hindi totoo.
Sinabi ng GO Labor na dapat number one sa listahan si Alvarez ng mga presidential appointees na dapat sibakin dahil incompetent umano at hindi tapat sa tungkulin.
Ginawa nilang halimbawa ang pagpipigil ng Development Bank of the Philippines sa P500-milyong loan ng PMDC para sa Mount Diwalwal project dahil sa hindi matanggap ang bagong maliwanag na corporate structure sa PMDC.
“The DBP apparently finds this new set-up discomforting,” wika ni Tuazon. “So the loan won’t be released until the issue is settled. Meanwhile, the PMDC is now remiss in promoting and developing new mine sites.”
“So who is going to give up?” tanong ni Tuazon. “So who is going to let go? Between mining and Alvarez, the President should know where to draw the line. She must fire Alvarez.”
Ayon kay Tuazon, kung hindi sisibakin ng Pangulo si Alvarez ay gagawa ito muli ng mga bagay na ikahihiya ng kanyang administrasyon.
Wala pang reaksyon si Alvarez sa alegasyong ito ng labor group.