Itinaas na kahapon ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) ang flood /landslide alert sa Central at Southern Luzon na ngayon ay binabayo ng mga pag-ulan.
Base sa report ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sinabi ni NDCC Executive Director Glenn Rabonza, partikular na nanganganib sa pagdaloy ng mudflows galing sa Mayon Volcano ang mga naninirahan sa Bicol Region matapos na mamataan ang low pressure area sa bisinidad ng Sibuyan Sea malapit sa Romblon.
Partikular na inalerto ang mga residente ng Bicol dahil ang Bicol River Basin ay patuloy na dumadanas ng mga pag-uulan gayundin ang Cagayan Valley na patuloy na makakaranas ng pag-uulan hanggang araw ng Lunes.
Samantala ang iba pang lugar sa Luzon kasama na ang Metro Manila ay patuloy ding makakaranas ng pag-uulan dahil din sa low pressure area. (Angie dela Cruz)