Presidentiables  hinamon na manindigan sa taripa

Hinamon  kahapon ni Sen. Joker Arroyo ang mga nais tumakbong pangulo sa 2010 na magpakita ng pani­nindigan kaugnay sa balak na pagtapyas ng taripa ng mga produktong petrolyo.

Sinabi ni Arroyo na  dapat na ilantad ng mga presiden­tiables ang kanilang posisyon hinggil dito sa gitna na rin ng pagbawas ng 1% taripa ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa pamamagitan umano ng mga presidentiables malalaman ng taumbayan ng kanilang posisyon at kung karapat-dapat silang mamuno sa ating bansa.

Pursigido naman  ang pamunuan ng Senate Ways and Means Committee na ituloy na ang public hearing sa panukalang tanggalin na ang 12% ng Expanded Value Added Tax (EVAT) sa mga produktong petrolyo.

Sinabi ni Sen.Francis Escudero, chairman ng na­banggit na komite magkakaroon na sila ng public hearing sa susunod na linggo hinggil sa panukala ni Sen. Mar Roxas na tanggalin na ang 12% EVAT nito.

Nauna nang minaliit ni Escudero ang pagbasura ng Department of Finance sa panukala ni Roxas at ayon sa kanya sa mga senador at kongresista nakasalalay ang anumang pag-amyenda nito.

Naniniwala si Escudero na susuportahan ng sam­bayanan ang panukala ni Roxas at kailangan lamang na maging maayos ang daloy nito sa dalawang kapu­lungan. (Malou Escudero)

Show comments