Sasampahan ng kasong administratibo ng Department of Justice (DOJ) ang dalawang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor)dahilan sa paglabas ng New Bilibid Prisons (NBP) ni convicted rapist Romeo Jalosjos ng walang kaukulang permiso noong Disyembre 22, 2007.
Ayon kay Justice Undersecretary Fidel Exconde, pinuno ng investigating panel, sa susunod na linggo ay ilalabas na nila ang rekomendasyon upang maisulong ang kasong administratibo sa mapapatunayang responsable sa paglaya ng dating Kongresista.
Kabilang sa maaring sasampahan ng kasong administratibo at kriminal sina Supt. Juanito Leopando na siyang lumagda ng release order bagamat xerox copy lamang ang dokumentong hawak nito ay pinalaya si Jalosjos.
Gayundin si Manolo Belen, hepe ng Separation Department ng Bucor na siya namang naghanda ng naturang release order at nagsabi rin na isang “unsigned memorandum” ang kanyang pinagbasehan sa paggawa ng release order na dapat muna ay pinirmahan ni Teodora Diaz, hepe ng Field operations ng Bucor, subalit hindi nito nilagdaan.
Muling itinakda ngayong Huwebes dakong alas-10 ng umaga ang pagdinig upang matukoy rin kung nasaan ang orihinal na kopya ng naturang release order. (Gemma Amargo-Garcia)