Diesel, hingi ng NPA bilang buwis
Ibinulgar ng militar ang panibagong estilo ng New People’s Army sa kanilang extortion activities kung saan sa halip na pera ay diesel na ang hinihingi ng mga ito sa mga kumpanya ng komunikasyon.
Ayon kay Captain Lowen Gil Marquez, hepe ng Civil Relations Service ng AFP Western Visayas, kung noong una ay humihingi ng revolutionary taxes ang mga NPA mula sa mga telecommunications company, ngayon ay diesel fuel na ang hinihingi ng mga ito mula sa mga cell sites.
Sa impormasyon ng AFP, umaabot na sa 20 containers ng diesel ang nakukuha ng mga rebelde sa mga cell sites sa mga bayan ng Kabangkalan, Hinubaan, Sipalay at Cauayan sa lalawigan ng Negros Occidental.
Sa pahayag naman ng isang rebel returnee, ibinebenta nila ang nasabing mga diesel fuel upang magkapera.
Ngunit bukod dito, kumukuha rin sila ng P80 milyon hanggang P100 milyon na revolutionary tax mula sa mga telecom company sa loob ng isang taon. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending





















