Iginiit kahapon ng Malacañang na sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang 144-hectare na property sa Sumilao, Bukidnon at dapat ipamahagi ito sa mga magsasaka upang malutas na ang protesta ng mga Sumilao farmers na nakipag-usap kamakalawa ng gabi kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Segio Apostol, ang pa mamahagi sa nasabing lupa sa mga Sumilao farmers ang solusyon upang malutas ang mahigit isang taong protesta ng mga magsasaka sa Sumilao.
Nagdesisyon ang Pangulo na i-revoke ang naunang executive order na naglalagay sa 144-ektaryang lupain sa agro-industrial upang ibalik ito sa dati at masakop ng CARP law.
“It will come in a form of an executive order stating that the old executive order converting this land into agro-industrial [use] has been revoked and reverting the land into its old status as agricultural land,” paliwanag pa ni Apostol.
Idinagdag pa ni Apostol, ang nasabing lote ay dadaan pa rin sa proseso bago ito maipahagi sa mga magsasaka sa ilalim ng CARP.
Ang inaangking lupa ng mga magsasaka ay pagmamay-ari ng pamilya Quisumbing at ang property ay naibenta na nito sa San Miguel Corporation Inc. na ngayon ay ginawa ng piggery ng naturang kumpanya.
Sa loob ng 2 buwan ay naglakad ang may 55 Sumilao farmers na mula sa Higaonon tribe patungong Maynila upang makausap ang Pangulo hinggil sa kanilang karaingan na ibalik sa kanila ang kanilang lupain.
Kamakalawa ay nagtungo sa Malacañang ang mga Sumilao farmers at hinarap naman sila ni Pangulong Arroyo.