300 pulis bantay sa Simbang Gabi

Sasabak ang may 300 sundalo at pulis sa pagbabantay sa mga pangunahing simbahan sa Metro Manila kaugnay ng  pagsisimula ng Simbang Gabi  ngayong Disyembre 16.

Ito ang inihayag kahapon ni National Capital Region Police Office Director Geary Barias na nagsabing  “Umpisa Sunday sa Simbang Gabi, kukuha tayo ng additional 300, galing dun sa mga nag-training, gagamitin muna natin sa Simbang Gabi.”

Una rito nagpakalat ng mahigit na 1,000 Santa cops ang NCRPO sa mga matataong lugar kabilang na ang mga malls at mga flea markets upang mabantayan ang mamamayan laban sa posibleng pagsasamantala ng mga elementong kriminal.

Mahigpit rin ang mga pagbabantay sa mga terminal ng bus, daungan at paliparan.

Sa tala ng pulisya, karaniwang tumataas ang insidente ng mga petty crimes tulad ng snatching, robbery/holdup, bag slashing, at pandurukot sa tuwing sasapit ang kapaskuhan.

Nilinaw naman ni Barias na bagaman nakasuot ng uniporme ang ipakakalat na mga sundalo ay hindi sila magdadala ng baril sa pagbabantay sa simbahan na inaasahang daragsain ng mga tao hanggang sa Misa de Gallo o Disyembre 24 sa bisperas ng pasko.

Kailangan lamang aniyang makita ang dami ng presensiya ng mga otoridad upang mag-atubili ang mga kriminal sa kanilang mga iligal na gawain. (Joy Cantos at Angie dela Cruz)

Show comments