LPG magro-rollback ng P1

Magbababa ng P1 kada kilo sa presyo ng liquefied petroleum gas ang LPG Marketers Association (LPGMA) dahil sa pagbaba ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.

Ayon kay LPGMA President Arnel Ty, asa­han ang gagawing P1 per kilo o P11 kada 11 kg. na tangke na rollback ng kanilang tini­tindang LPG sa susunod na araw.

Sinabi pa ni Ty na kung magiging ma­ganda ang trend at walang magiging prob­lema sa pag-aangkat ng nasabing produkto, malaki umano ang po­sibilidad na hindi ma­sundan pa ang rollback sa susunod na linggo.

Samantala, taliwas naman ang naging pa­hayag ng malalaking kompanya ng langis gayundin ang mga independent oil players na may produktong LPG dahil kinakaila­ ngan umanong taasan ng .50 sentimos ang presyo ng LPG dahil sa pagtaas umano ng presyo nito sa world market.

Matatandaang noong isang linggo ay nagtaas ng P0.50 sa singil ang malalaking kumpanya ng langis na kinabi­bi­langan ng Petron, Shell, Chevron (dating Caltex), Unioil at Total.

Sa panayam naman sa ilang mga ginang ng tahanan, “pang-uuto” lamang umano at wala sa kalingkingan ang nasabing P1 rollback kumpara sa halos araw-araw na sabayang pag­taas ng presyo ng krudo at LPG noong mga na­karaang linggo. 

Sa ngayon ay uma­abot sa P600 kada 11kg tangke ang LPG sa mga lokal na pamilihan. (Rose Tamayo-Tesoro/Edwin Balasa)

Show comments