Tigil-pasada
Tuloy na at wala nang atrasan pa ang bantang malawakan at malakihang transport holiday na isasagawa ng may 250,000 miyembro ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) bukas, Disyembre 13 sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay George San Mateo, secretary general ng Piston, sabay-sabay na paparalisahin ng kanilang hanay ang pasada sa Huwebes sa Metro Manila, Luzon, Visayas at Mindanao kasama ang mga militanteng grupo na Kilusang Mayo Uno (KMU) at Bayan Muna.
Sinabi ni San Mateo, hindi na kaya pang tiisin ng mga tsuper at mamamayan ang umano’y sabwatan ng dayuhang oil cartel at ng pamahalaan sa walang-prenong pagpapataas sa presyo ng produktong petrolyo na umabot na sa P39.80 ang presyo ng diesel at P45.77 naman sa gasolina.
Lalahok ang mga independent na samahan sa jeep, bus, traysikel sa gaganaping welga at protesta sa Kamaynilaan, iba’t ibang lungsod ng Metro Manila at probinsya sa bansa.
Partikular na apektado ng tigil pasada ang Baguio, Bulacan, Laguna, Rizal, Cavite, Batangas, Quezon, Camarines Sur, Camarines Norte, Albay, Negros Occidental, Roxas City, Cebu, Catanduanes, Masbate, Iloilo, Aklan, Roxas City, Cagayan De Oro, Davao at General Santos.
Nabatid na magkakaroon din ng dalawang araw na welga sa Iloilo at Aklan simula December 12-13, habang sa Negros Occidental naman ay magsasagawa ng 2 araw na tigil-pasada sa December 13-14.
Tinawag naman ni San Mateo bilang panlilinlang ang alok ng Malacanang na bibigyan umano ng libreng bigas ang mga tsuper kung ihihinto ng mga ito sa pagsasagawa ng welga.
Pinuna din ni San Mateo ang paggigiit ni DOE Secretary Angelo Reyes na tinutugunan daw ng gobyerno ang problema ng tsuper sa pamamagitan ng panghuhuli sa mga kotong cops at colorum.
Sinabi pa ni San Mateo na paparalisahin ng PISTON at mga kaalyadong transport groups sa Metro Manila sa pamamagitan ng isasagawang mga strike at rally centers sa Alabang City terminal, Cubao, Monumento sa Ever Grand Central, Kalayaan corner Kamias, Philcoa, Aduana Circle sa Pier-South, harap ng Jolibee Hi-way katabi ng Taytay Public Market, Novaliches Bayan katapat ng 7-11 at Pacita Complex, San Pedro Laguna.
Igigiit aniya ng PISTON sa naturang welga at protesta ang 1. Pagkontrol ng gobyerno sa oil prices at pagpapatigil sa oil price hikes; 2. Pag-alis sa 12% EVAT sa petrolyo at; 3. Pagsuspindi at pagbasura sa Oil Deregulation Law bilang hakbang sa pagsasagawa ng pagsasabansa ng industriya ng langis sa bansa.
Kaugnay nito, naghanda na rin ang NCRPO at MMDA ng mga 6x6 trucks na maghahatid at susundo sa lansangan ng mga mai-stranded na commuters.
- Latest
- Trending















