Takdang kasuhan ngayong Lunes ng Philippine National Police ang tatlong suspek sa pambobomba sa Batasan Complex na ikina sawi ni Basilan Rep. Wahab Akbar at iba pa nitong Nobyembre 13.
Sinabi ni National Capital Region Police Office Chief Director Geary Barias na isasampa nila sa Department of Justice ang mga kasong murder at multiple serious physical injuries laban kina Ikram Indama, Kaidar Aunal at Ad ham Kusain.
Nadakip ang tatlong noong Huwebes sa isang pagsalakay ng mga puwersa ng PNP at Philippine Army sa hinihinalang safehouse ng Abu Sayyaf sa Payatas-B, Quezon City. Tatlo pang suspek ang nasawi sa naturang operasyon.
Sa kabila nito, aalamin pa rin ng binuong Task Force sa DOJ ang pinal na mga kaso na isasampa sa mga suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ngayon ng Intelligence Security Group ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Hindi rin naman isinasaisantabi ni Barias na maaaring gawing “state witness” ang tatlong suspek upang mas lalong bumilis ang takbo ng imbestigasyon at mapanagot ang mga taong nasa likod ng naturang pambobomba.
Hindi naman ito nagbigay ng pahayag sa posibleng pagkakaugnay ni dating Basilan Rep. Gerry Salapuddin sa insidente matapos na madakip ang dati nitong driver na si Indama sa Payatas. Una nang nagtungo si Salapuddin sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group kung saan itinanggi nito ang mga akusasyon.
Patuloy pa rin naman ang mga awtoridad sa pagpiga sa mga suspek sa mga impormasyong nalalaman at pag-iimbestiga sa mga naibigay na sa kanilang mahahalagang impormasyon ng tatlong suspek.
Samantala, sinabi kahapon ni Manila Archbishop Gaudencio Rosales sa panayam ng Radio Veritas na hindi dapat tumigil sa paghahanap ng katotohanan ang publiko kaugnay sa naganap na pagpapasabog kamakailan sa Batasan Complex.
Sinabi ni Rosales na hindi mapapalagpas ng simbahan ang anumang uri ng karahasan, anuman ang rason ng mga taong nasa likod nito. (May ulat ni Mer Layson)