Iginiit kahapon ni Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) chief Antonio Villar Jr. na kikita ang gobyerno ng P1.4 bilyon sa pamamagitan ng Voluntary Disclosure Program (VDP) sa sandaling magparehistro ang may 3,000 may-ari ng imported cars.
Sinabi ni Usec. Villar, ang VDP ang magiging susi ng mga imported car owners na ang rehistro sa Land Registration Office (LTO) ay walang Certificate of Payment (CP) o undervalued ang kanilang CP.
Ayon kay Villar, sa pamamagitan ng VDP ay marerehistro ng may-ari ng imported vehicles ang kanilang mga sasakyan sa pamamagitan ng boluntaryong pagbabayad na rin ng kanilang duties at taxes para sa kanilang imported vehicles.
Aniya, nakikipag-ugnayan na rin ang PASG sa LTO upang matukoy ang may-ari ng mga imported cars na nakapagparehistro ng kanilang sasakyan na walang CPs o undervalued ang kanilang CPs na iniisyu ng Bureau of Customs (BOC).
Sinabi naman ni PASG director for intelligence Jaih Francia, may 3,000 imported vehicles ang nakapagparehistro ng kanilang sasakyan sa LTO kahit walang CP o undervalued ang kanilang CP mula 2004 hanggang 2007 kung saan kalimitan sa mga ito ay luxury vehicles tulad ng Mercedes Benz, BMW at Porsche. (Rudy Andal)