Hindi maaaring kumpiskahin ng Sandiganbayan ang kontrobersyal na Boracay mansion na hinihinalang pag-aari ni dating Pangulong Joseph Estrada dahil sa pag-aari na ito ng pamahalaang lungsod ng Quezon City .
Ayon sa tresurero ni Mayor Sonny Belmonte na si Dr. Victor Endriga, legal ang pagmamay-ari nila sa mansion dahil dumaan sa kumpleto at tamang proseso ang pagkakalipat ng titulo nito sa lokal na pamahalaan.
Ito ay makaraang igiit ng Sandiganbayan na kumpiskahin ang nasabing ari-arian na matatagpuan sa No. 100 11th St., New Manila.
“Even if the former President won the case, Boracay Mansion is still and already a property of the Quezon City Government via auction process as per provisions of the Local Government Code of 1991”, paliwanag pa ni Endriga.
Base sa rekord, delingkwente sa pagbabayad ng buwis ang St. Peter Holdings Corporation na siyang nakarehistrong may-ari ng mansyon mula pa noong 2001 kaya nakumpiska ito ng Quezon City government. Napabilang naman ito sa listahan ng isinubasta noong Setyembre 15, 2005 ngunit walang bumili nito kaya nailipat sa pag-aari ng lokal na gobyerno.
Nagpahiwatig naman ang lokal na pamahalaan ng kanilang kahandaan na dalhin ang usapin sa Korte Suprema sakaling ipilit ng Sandiganbayan ang kanilang kautusan.
Magugunitang kasama ang Boracay mansion sa nais bawiin ng Sandiganbayan nang ibaba nila ang hatol laban kay Estrada pero lingid sa kanilang kaalaman ay nakumpiska na ito ng lokal na pamahalaan. (Danilo Garcia)