Pala-absent na pulis lagot!
Lagot na sa binansagang “Mamang Pulis” na si PNP Chief Director General Avelino Razon Jr. ang mga tauhan at opisyal nito na mahilig mag-absent sa trabaho.
Ito’y matapos na ihayag kahapon ni P/Director Edgardo Acuña, PNP Directorate for Personnel and Records Management na bawal na ang mga pala-absent na pulis kaugnay ng ipatutupad na daily accounting report ng PNP.
Ang nasabing panibagong patakaran ay kahalintulad ng ginagamit ng Armed Forces of the Philippines sa pagdisiplina sa kanilang mga tauhan na binawalang umabsent o lumiban sa trabaho maliban na lamang sa mga sitwasyon ng emergency.
Aniya,ang hakbang ay upang masiguro na matatapos ang problema ng pulisya sa mga pala-absent gayundin sa mga tinaguriang 15-30.
Sa ilalim ng direktiba ay obligado ang mga station supervisor at chief of police na bilangin ang mga tauhan nila sa kada araw bago ideploy o ikalat ang mga ito sa mga lansangan.
Naniniwala ang opisyal na sa ganitong paraan ay masisiguro ng kanilang hanay na pumapasok sa kanilang trabaho ang mga miyembro ng pambansang pulisya at hindi nangongolekta lamang ng kanilang sweldo. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending