Lakas caucus ipinatawag ni GMA
Nagpatawag ng caucus ng Lakas-NUCD si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kamakalawa ng gabi sa Malacañang upang “palakasin” ang koalisyon nito sa gitna ng napipintong paghahain ng mas malakas na impeachment complaint ng oposisyon sa Kamara sa araw na ito.
Kabilang sa dumalo sa ipinatawag ng caucus ni Pangulong Arroyo ay ang chairman emeritus ng Lakas-NUCD na si dating Pangulong Fidel Ramos, House Speaker Jose de Venecia, Executive Secretary Eduardo Ermita, Sen. Juan Miguel Zubiri, Press Secretary Ignacio Bunye, Rep. Raul de Mar, Rep. Arturo Defensor, Rep. Prospero Nograles at Neptali Gonzales Jr.
Sinabi ni Sec. Bunye, ang layunin daw ng caucus na ipinatawag ni Mrs. Arroyo ay upang palakasin lamang ang coalition ng administrasyon.
Siniguro naman ng Pangulo kay Speaker de Venecia na mananatili itong lider ng Mababang Kapulungan sa kabila ng umuugong na balitang nais itong patalsikin sa kanyang puwesto sa pagbubukas ng sesyon sa araw na ito. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending