Hiniling kahapon ni Autonomous Region in Muslim Mindanao Regional Director Chief Supt. Joel Goltiao na mag lunsad na ng “nationwide manhunt” ang pulisya upang madakip ang kontrobersyal na si dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Goltiao na hiniling niya sa ibang regional offices ng Philippine National Police at iba pang “law enforcement agency” tulad ng National Bureau of Investigation na hanapin na rin si Bedol.
Sinabi ni Goltiao na naniniwala sila na nakalabas na ng ARMM si Bedol ngunit nasa loob pa rin ng bansa.
Matatandaan na binigyan ng Commission on Elections ng 24 na oras na deadline si Goltiao upang arestuhin si Bedol. Ihahain sana ng Criminal Investigation and Detection Group ang arrest warrant laban kay Bedol ngunit nabigo nang hindi na ito abutan sa kanyang bahay sa Cotabato nitong nakaraang linggo.
Nabatid naman sa mga kamag-anak ni Bedol na noon pang Oktubre 19 huling nakita si Bedol sa kanyang bahay. Isang grupo umano ng mga armadong lalaki ang kumuha kay Bedol hanggang sa hindi na ito makita.
Matatandaan na nasangkot si Bedol sa sinasabing mga anomalya o dayaan sa nakaraang senatorial elections sa Mindanao sanhi upang ipadakip ito ng Comelec.
Inakasuhan kaha pon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na binibigyang proteksyon umano ng Arroyo government si Bedol kaya hindi ito maaresto ng pulisya.
Ayon kay Pimentel, bigo ang PNP na maaresto si Bedol sa kabila ng ipinalabas na warrant of arrest ng Comelec dahil sa mayroon itong proteksyon ng powerful political forces.
Aniya, matapos ibasura ng Comelec ang apela ni Bedol at magpalabas ng arrest warrant sa nasabing election supervisor nitong Oktubre 23 ay hindi na mahagilap ng pulisya si Bedol.
Napatunayan ng Comelec na lumabag si Bedol sa indirect contempt at hinatulang makulong ng 6 na buwan.
Malaki ang hinala ni Pimentel na mayroong kinalaman si Pangulong Arroyo sa biglang pagkawala ni Bedol.
Hinamon ng mambabatas ang Comelec at PNP na gawin ang lahat ng pamamaraan upang mahanap at maaresto si Bedol.
Inakusahan ni Pimentel na may kinalaman si Bedol sa fabrication ng CoC’s at iba pang election document sa Maguindanao na nagbigay daan upang magwagi si Sen. Juan Miguel Zubiri ng Team Unity at malamangan nito si United Opposition candidate Koko Pimentel sa nakaraang 2007 senatorial elections.
Inihayag ni Atty. Andrei Bon Tagum na nasa Maguindanao pa rin ang kanyang kliyente na si Bedol.
Ang pahayag ay ginawa ni Tagum kaugnay nang balitang natakasan ni Bedol ang mga pulis.
Sa isang panayam sa telebisyon (ANC), sinabi ni Tagum na nang huli silang mag-usap ni Bedol sa telepono noong Biyernes, sinabi umano nito na siya ay nasa Maguindanao.
Kumbinsido naman si Tagum na hindi nagsisinungaling ang kaniyang kliyente at ito ay nasa Maguindanao pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Sinabi rin sa kaniya ni Bedol na nanganganib ang buhay bagamat hindi naman umano nito sinabi kung sino ang mga nagtatangka o nagbabanta sa kaniya. (Danilo Garcia, Rudy Andal at Mer Layson)