Senado makikialam sa oil price hike
Pakikialaman na ng Senado ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng gasolina kung saan nakatakdang kumbidahin ng Senate Committee on Trade and Commerce ang mga opisyal ng gobyerno para magsagawa ng kaukulang hakbang sa problema.
Sa kanyang Senate Resolution 180,, sinabi ni committee chairman Mar Roxas na dapat maging handa ang ating pamahalaan lalo pa’t patuloy ang pagtaas ng gasolina sa pandaigdigang merkado.
“Oil, for better or worse, remains an essential part of our lives, and the government needs to do all it can to ensure that the people are shielded from even more severe economic pressures, renewed tensions in the Middle East have caused concern over possible disruptions in oil supply,” sabi ni Roxas.
Aniya, hindi ito dapat balewalain dahil sa bawat pagtaas ng LPG at produktong petrolyo ay malaki ang epekto nito sa ating pang-araw araw na gastusin.
Sinabi pa ni Roxas na ang pagtaas ng halaga ng piso kontra dolyar ay dapat mabigyan ng pansin kung bakit sa kabila nito ay patuloy pa din ang pagtaas ng presyo ng gasolina.
Nitong Oktubre 20, umabot ang presyo ng petroleum products sa P42.45 bawat litro, P36.95/L sa diesel, P37.99/L sa kerosene at P529.14 sa kada 11-kilogram tangke ng LPG, maliban pa sa P5 kada kilo na itinaas ng presyo nito ngayon. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending